NASAWI ang isa sa mga field enforcer ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) makaraang masagasaan at takbuhan umano ng drayber ng pampasaherong bus sa North Avenue, Quezon City, Martes ng gabi.
Natukoy ang biktima na si George Banez.
Ayon sa ilang mga saksi, isang bus unit ng Joannah Jess Transport na may plakang CAN 6503 ang nakabundol umano kay Banez.
Katatapos lang na itawid ni Banez ang isang senior citizen sa overpass ng MRT North Avenue nang mahagip ng bus na kaka-arangkada lamang matapos magbaba ng mga pasahero sa EDSA Busway.
Bagamat naisugod pa sa ospital ang enforcer ay pumanaw na rin dakong alas-9:40 ng gabi.
Tiniyak naman ng bus operator na isusuko nito ang drayber na tumakas matapos na masalpok si Banez at nangako ring tutulungan ang naulilang pamilya nito. Tatlong maliliit na anak ang iniwan ni Banez sa kanyang asawa.
Kasabay ng pakikiramay ay umaapela rin ang pamunuan ng I-ACT na mabigyan ng hustisya ang sinapit ni Banez.
(Photo Credit: I-ACT)

