INILUNSAD ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA ) ang paggamit ng mga Body-Worn Camera para sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa pamamagitan ng bagong nabuo nitong Swift Traffic Action Group (STAG).
Sinimulan na ng MMDA ang paggamit ng mga body-worn cameras para suportahan ang pagpapatupad ng NCAP.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes na ang inisyatiba ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na magpatibay ng mga makabagong teknolohiya na nagbibigay-daan para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon sa trapiko.
Nilalayon din nitong mabawasan ang direktang interaksyon at potensyal na pagtatalo sa pagitan ng mga motorista at traffic enforcer sa panahon ng road clearing operations.
“The use of body-worn cameras is part of the innovations for the NCAP. It will initially cover key Metro Manila thoroughfares and designated Mabuhay Lanes. Eventually, we will expand the coverage once the ban on street parking in Metro Manila is approved,” sabi ni Artes sa launching sa MMDA Communications and Command Center, MMDA Head Office sa Pasig City.
Nagpahayag kamakailan ng suporta si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa NCAP na ipinapatupad ng MMDA, na binibigyang-diin na ang patakaran ay nagtataguyod ng kaligtasan at disiplina sa kalsada at tumutulong sa paglaban sa katiwalian.
Sinabi din ni Artes ang MMDA Resolution No. 16-01, Series of 2016, na nagpapahintulot sa paggamit ng mga digital camera, CCTV, at iba pang bagong teknolohiya sa pagpapatupad ng mga patakaran sa trapiko gaya ng NCAP.
Ang mga tauhan ng STAG na sumailalim sa pagsasanay, sa pamumuno ni Traffic Operations Officer IV Edison “Bong” Nebrija, ay nilagyan ng mga body-worn camera na naka-link sa MMDA Communications and Command Center upang matiyak ang real-time na monitoring at dokumentasyon ng on-ground operations.
Upang matiyak ang transparency at katumpakan, ang MMDA STAG ay nagpapatupad ng buddy system sa panahon ng road clearing operations. Sa ilalim ng setup na ito, isusuot ng nakatalagang traffic enforcer ang body camera na nagsisilbing camera coder, habang ang miyembro ng kanyang team ang maglalabas at magre-record ng notice ng paglabag.
Ang unang wave ng anti-illegal parking operations ay pangungunahan ng STAG.
Pagkatapos ng isang linggo, ang lugar ay muling susuriin ng Special Operations Group – Task Force for Road Clearing (SOG-TFRC), sa pangunguna ni Traffic Operations Officer III Gabriel Go, upang matiyak ang patuloy na pagsunod at upang maipatupad ang karagdagang clearing operations kung kinakailangan.
Binigyan linaw ng opisyal na hindi magkakaroon ng overlapping ng mga function sa pagitan ng dalawang grupo. Nakatuon ang STAG sa no-contact apprehension gamit ang mga body camera, habang ang SOG-TFRC ay nilagyan ng mga tow truck kung kinakailangan para sa clearing operations.

