DINAKIP ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong indibidwal na sinasabing responsable umano sa human trafficking sa 27 kataong iligal na ipadadala upang magtrabaho sa POGO hub sa Cambodia.
Ayon sa ulat na isinumite kay NBI Director Jaime Santiago, ang mga dinakip ay kinilalang sina alyas “Hashim”, “Asanuddin”, “Halon” na lumabag Republic Act 9208, na inamyendahan ng 10364 at RA 11862 (Expanded-Anti Trafficking in Persons Act of 2022); RA 8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995).
Ang operasyon ay nag-ugat sa Idinulog na reklamo kaugnay sa aktibidad ng isang grupo na recruiters sa online messaging platforms, at ang mga biktima ay ibinibiyahe palabas ng bansa sa pamamagitan ng backdoor.
Sa naging pagbubulgar ng isang complainant, na-recruit siya sa pamamagitan ng Telegram para magtrabaho umano sa POGO hub sa Cambodia. Binigyan siya ng instruksyon na magtungo sa Manila, patungo sa Zamboanga, Tawi-tawi, tatawid ng Malaysia bago sa destinasyon sa Cambodia.
Siya umano ay bibiyahe kasama ang iba pang recruit. Kapag hindi umano makumpleto ang one-year contract ay kukumpiskahin ang kanilang pasaporte at papatawan ng mabigat na parusa.
Noong Setyembre 5, nagtulong-tulong ang NBI-HTRAD, NBIWestern Mindanao Regional Office (NBI-WEMRO), Ninoy Aquino International Task Force Against Trafficking (NAIATFAT), Interagency Council Against Trafficking (IACAT), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Zamboanga Sea-Based Anti-Trafficking Task Force (ZSBATTF), at 1st Special Operations Unit, PNP Maritime Group, sa pagmonitor sa galaw ng complainant at grupo nito sa paglalakbay hanggang sa harangin na sila sa Sanga-Sanga Airport, Tawi-Tawi at kumpiskahin kina Hashim at Asanuddin ang mobile phones.
Si Halon naman ang hinuli kinabukasan sa follow-up operation habang ini-eskortan din ang iba pang nirecruit sa Tawi-tawi.

