SINALAKAY ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang bodega sa Tondo, Maynila kung saan nakumpiska ang tinatayang nasa P1-milyong halaga ng mapanganib na produktong kendi kamakailan.
Nasa 111 kahon ng Cocomelon Tattoo gum at 201 kahon ng Cocomelon Long Mallows na nasa milyong halaga ay nakumpiska sa pagsalakay nitong nakalipas na Hulyo 30, sa bodega na pag-aari ng MBK Distribution , Inc., sa Bambang St., Tondo.
Base sa reklamo sa NBI-Intellectual Property Rights Division (IPRD) ng Orion Support Inc.,bilang kinatawan ng Treasure Studios Inc, ang rehistradong may-ari ng trademark na Cocomelon noong Mayo 26, 2025 kaugnay sa paggamit ng kanilang brand sa mga pekeng produktong ipinakakalat sa merkado.
Agad iniutos ni NBI director Jaime Santiago na magsagawa ng test-buy operation gamit ang search warrant at sinalakay ang naturang bodega at dito nakumpirma na mga peke ang mga Cocomelon produkto.
Dahil dito, ang may-ari ng MBK Distribution ay mahaharap sa reklamong paglabag sa Section 155, kaugnay sa Section 170 of Republic Act No. 8293, o Intellectual Property Code of the Philippines.

