PINAPLANO ng Commission on Elections (Comelec) na ipa-overhaul ang batas kaugnay sa mga lalahok na party-list sa susunod na halalan sa bansa.
Target din ng Comelec na ipagbawal na ang paggamit ng pangalan ng teleserye o programang pang-ayuda ng pamahalaan bilang pangalan ng party-list.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na naniniwala silang napapanahon na para baguhin ang batas patungkol sa party-list upang mapigilan ang ilang political clan o pamilya na gawing extension ang isang party-list.
Paliwanag ng opisyal, sigurado siya na hindi kakatigan ng korte suprema kung Comelec lang ang mag uutos nito.
Aminado si Garcia na hindi basta-basta nalalaman ng Comelec ang mga mismong nominee ng isang party-list sa accreditation pa lamang.
Ayon kay Garcia sa tuwing magsisimula ang accreditation ng isang party list, mag susumite ang mga ito ng mga temporary nominee.
Sinabi nito na dahil ayon sa batas ay sapat na ang iisang adbokasiya para maging nominee ng isang partylist, ay napapalitan ito ng mga personalidad na konektado sa mga political group.
Dahil dito ay naniniwala si Garcia na panahon na para i-overhaul ang party-list law.

