PERSONAL na humarap sa unang araw ng Preliminary investigation (PI) si Vice President Sara Duterte sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kanya.
Kabilang sa mga reklamong inihain ng NBI ay Inciting to Sedition at Grave Threats, na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 na isinampa ng NBI kaugnay sa pagbabanta umano ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Eksaktong alas dos ng hapon ngayong Biyernes nang dumating si Duterte sa DOJ at natapos ang pagdinig dakong alas dos y medya.
Hindi naman nagtagal ang paunang imbestigasyon dahil nagsumite lang ito ng counter affidavit bilang sagot sa reklamo ng NBI at pagsunod sa legal na proseso.
Ayon sa isang miyembro ng legal team ni Duterte na si Atty. Michael Poa, tiwala naman sila sa proseso ng batas lalo pa at hindi naman ito isyu tungkol sa pulitika.
Sinabi ni Atty. Poa na sariling desisyon din ni VP Sara na personal na dumalo sa pagdinig at hindi dahil sa payo ng kanyang mga abogado.
Sa counter affidavit na nilagdaan ng pangalawang pangulo, hiniling nito na ibasura na ang reklamo at huwag ng ipagpatuloy ang susunod na pagdinig.
Samantala kung masusunod ang unang abiso ng DOJ Prosecutors Office ay idaraos ang susunod na preliminary investigation sa Mayo 16.

