SC, nagbabala laban sa mga kumakalat na pekeng subpoena sa social media

NAGBABALA ang Korte Suprema na huwag basta-basta maniniwala sa mga subpoena o mga notice na kanilang natatanggap o nakikita sa social media.

Ayon kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo sa publiko, dapat ay siguraduhin muna kung ang notice ay totoo at tama.

Paalala ni Gesmundo, magberipika sa Korte kung saan sinasabi na nagmula ang notice, o kaya ay pwede ring magberipika sa mismong Korte Suprema, sa mga opisina ng public information office para mapatunayan na ang mga natatanggap na notisya ay may katotohanan o pekeng at hindi dapat paniwalaan, pahayag nito sa isang media summit na ginanap kamakailan sa Baguio City.

Dagdag pa nito, maging mapanuri sa mga nakikita sa social media upang hindi magamit sa mga kalokohan.

Maging alerto tayo para mapangalagaan ang ating ari-arian, karapatan para hindi tayo mabiktima ng mga scammer na ito,” dagdag pa ni CJ Gesmundo sa naturang media summit.

Hinihingi na rin ng SC ang tulong ng mga ahensya na pamahalaan tulad ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police para maberipika at matukoy ang mga taong nagpapakalat ng ganitong pekeng notisya na ito, saad pa ni CJ Gesmundo.

Binigyang-diin niya na ininiingatan ng SC na magamit ang husgado sa maling paraan — sa walang katuturang bagay na sinasamantala ang kakulangan ng pagbeberipika ng mga Pilipino.

Nauna nang nagbabala si SC spokesperson Atty. Camille Ting hinggil sa ilang indibidwal na nagpapakalat ng mga pekeng kautusan, notice at mga abiso mula sa Korte Suprema, Municipal at Regional Trial Court.

Sa pahayag ni Ting, marami na silang reklamong natatanggap kung kaya’t nagpapaalala sila sa publiko tungkol dito at maiwasan na mabiktima sila saka mawalan ng pera.

Pagtitiyak ni Atty. Ting, mananagot ang mga nasa likod ng ilegal na gawain na ito, gayundin ang mga kasabwat na abogado o tauhan ng korte, kung meron man. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.