ITINAKDA ng Commission on Elections (Comelec) en banc na 85 lamang mula sa 155 na party list ang inaprubahan nitong online campaign platform na pwedeng gamitin para sa May 2025 mid-term elections.
Idinagdag ng poll body na 29 namang online campaign platform ang inaprubahan nito mula sa 66 para sa mga tumatakbong senador.
Apat rito sa mga kandidato ang partially compliant at 33 naman ang non-compliant, ayon sa Comelec.
Base sa hinihingi ng Education and Information Department ng Comelec, inatasan ng komisyon ang mga partially compliant na tumalima.
Inatasan din ang mga kandidato at partido na non-compliant na tanggalin o i-take down ang kanilang mga online content at social media platform.
Una nang sinabi ng Comelec na kung hindi makakapagrehistro ang mga kandidato ay bibigyan ng notice to explain para alamin kung bakit hindi sila dapat sampahan ng reklamo.
Ayon pa sa Comelec, ang deadline ng pagpaparehistro ay noong Disyembre 13, 2024 at hindi na nagbigay pa ng extension.
Ang naturang hakbang ay layon na maiwasan ang paggamit ng mga Artificial Intelligence, Deep Fake at iba pa na makakaapekto sa kampanya para sa eleksyon.

