Magnitude 5.2 na lindol, naitala sa Eastern Samar

NIYANIG ng magnitude 5.2 na lindol ang bayan ng Hernani, Eastern Samar na naramdaman din sa iba pang bahagi ng Visayas, Sabado ng umaga.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), dakong alas-9:18 ng umaga nang maitala ang lindol sa layong 60 kilometro ng bayan ng Hernani na may lalim na 12 kilometro.

Naramdaman ang Intensity V sa mga bayan ng Balangkayan, Hernani, Llorente, at Maydolong, Eastern Samar habang Intensity IV sa Balangiga, Borongan City, General Macarthur, Giporlos, Guiuan, Lawaan, Mercedes, Quinapondan, Salcedo, San Julian, Sulat, at Taft, sa nasabing lalawigan.

Samantala, Intensity III ang naiulat sa Arteche, Can-Avid, Dolores, Jipapad, Maslog, Oras, at San Policarpo, Eastern Samar; Alangalang, Babatngon, Barugo, Carigara, Dagami, Dulag, Jaro, La Paz, Leyte, Mayorga, Palo, Pastrana, San Miguel, Santa Fe, Tabontabon, Tanauan, Tolosa, at Tunga, sa Leyte; Tacloban City; Basey, Calbiga, at Marabut, sa Samar habang Intensity II sa Abuyog, Burauen, Capoocan, Javier, Julita, Kananga, Macarthur, at Mahaplag, Leyte; gayundin sa Gamay, Lapinig, Mapanas, at Palapag, Northern Samar; at Silago, Southern Leyte.

Hindi inaasahan ng Phivolcs na magdudulot ng pinsala ang nasabing lindol ngunit posible pa rin ang mga aftershock.

Nauna rito, naitala naman ang magnitude 4.9 earthquake sa baybayin ng Claveria, Masbate dakong alas-8:28 ng umaga.

Nabatid mula sa Phivolcs na naitala ang Intensity IV sa mga bayan ng Claveria at San Pascual, sa Masbate at sa mga bayan ng Pilar at Donsol sa Sorsogon.

Naiulat din ang Intensity III sa Masbate City; Legaspi City sa Albay habang Intensity II sa Irosin, Sorsogon at Baleno, Masbate. Intensity I naman ang naramdaman sa Batuan, Masbate; Santa Magdalena at Bulusan, Sorsogon; Tabaco, Malinao, at Tiwi sa Albay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.