NAGDEKLARA na ng dengue outbreak ang Quezon City local government kasunod ng pagsipa ng mga kaso na ikinamatay na ng sampung pasyente sa unang bahagi ng kasalukuyang taon.
Batay sa tala ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (CESD), simula nuong Enero 1 hanggang Pebrero 14 ay umabot na sa 1,769 ang kaso ng dengue o mas mataas ng 200% kumpara sa katulad na panahon nuong 2024.
Sa 10 nasawi sa dengue sa Quezon City, walo ang mga menor de edad. Nasa 58% ng mga tinamaan ng dengue ay mga batang edad 5 hanggang 17 habang 44% ay mga edad 1 hanggang 10.
“Mga bata ang karamihan sa mga nagiging biktima ng nakamamatay na sakit na ito. Kaya nananawagan ako sa mga kapwa ko magulang na sama-sama nating protektahan ang ating mga anak laban sa dengue. Maging alerto tayo sa mga nararamdaman ng ating anak at manguna sa mga clean-up drive sa ating mga komunidad,” pahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.
“Our declaration of a dengue outbreak ensures that we are on top of the situation, and we are doing everything we can to protect our residents from this deadly disease, especially our children,” dagdag ng alkalde.
Dahil sa pagdami ng mga kaso, bukas na rin ang mga health center sa Quezon City kahit Sabado at Linggo upang agad na matugunan ang mga makararanas ng sintomas ng dengue.
Nagpakalat na rin ng NS1 test kits sa mga health center upang masuri ang mga pasyenteng nakararanas ng lagnat, sakit ng ulo at pananakit ng kasu-kasuan na sintomas ng nasabing sakit.

