DALAWANG barko ang napablitang sumadsad sa pantalan ng Batangas sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Ayon kay Philippine Ports Authority (PPA) Assistant General Manager Atty. Marl Jon Palomar, kumalas sa pagkaka-angkla ang isang barko na may pangalang Super Shuttle Roro 2 dahil sa malakas na hampas ng alon.
Isa-isa namang nagtalunan at inabandona ng mga crew at kapitan ang barko na maituturing umanong paglabag sa regulasyon ng PPA.
Iniimbestigahan na ang insidente at mahaharap sa kaukulang kaso ang kapitan kung sakaling mapatutunayang inabandona nito ang naturang barko.
Samantala, sinabi rin ni Palomar na ang isang barko naman na MT Cassandra ay nasa kustodiya na ng Bureau of Customs matapos itong kumpiskahin noong nakaraang linggo.
Dahil sa paparating na bagyo ay hiniling na ito ay mailipat ng lokasyon ngunit hindi umano ito nasunod at natuklasang “unmanned” o wala nang tao sa barko.
Ang MT Cassandra ay hinuli matapos mapabalita na di-umano ay nagsasalin ito ng mga produktong petrolyo sa mga trak noong Martes ng gabi.

