PUMALO sa mahigit 3 milyon ang naitalang international visitor arrival sa bansa, na nagresulta sa mahigit P280-bilyong kita para sa sektor ng turismo, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Ayon sa statistical monitoring report ng DOT, umabot sa P282.17 bilyon ang tourist revenue sa unang anim na buwan ng taong 2024, o mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, dahil na rin sa maraming bilang ng inbound visitors, na tinatayang nasa 32.81 porsiyento na mas mataas sa P212.47-bilyong revenue mula sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ni DOT Secretary Christina Garcia Frasco na ang makabuluhang pagtaas ng kita sa turismo ay patunay ng walang humpay na pagsisikap ng administrasyong Marcos sa muling pagpapasigla ng sektor ng turismo sa bansa.
Noong Hulyo 10, 2024, nagtala ang DOT ng 3,173,694 na inbound tourists, kung saan 92.55 porsiyento o 2,937,293 ay dayuhan habang ang natitirang 7.45 porsiyento o 236,401 ay mga overseas Filipino.
Nanatiling nangungunang top source ng foreign arrivals ng Pilipinas ang South Korea na nagdala ng 824,798 o 25.99 porsiyento ng kabuuang bilang ng bisita na pumasok sa bansa.
Sinundan ito ng USA na mayroong 522,667 tourists; China na nagdala ng 199,939 turista; 188,805 sa Japan at Australia na umabot naman sa 137,391 na mga turista.
Nasa ika-anim naman hanggang ikasampung pinagmumulan ng tourist arrival ay ang Taiwan, Canada, United Kingdom, at mga kalapit na bansa sa Timog Silangang Asya gaya ng Singapore at Malaysia.
Naniniwala si Fransco na sa pagsulong ng mga tagumpay ng industriya habang tinataya naman ng 2024 Economic Impact Research (EIR) ng World Travel & Tourism Council (WTTC) ang taong ito bilang isang “record-breaking” na taon para sa Philippine travel and tourism industry pagdating sa kontribusyon sa ekonomiya, trabaho, at paggasta ng bisita.
Ayon sa mahalagang pandaigdigang grupo ng pribadong sektor, ang kontribusyon ng sektor ng turismo sa pambansang ekonomiya ay inaasahang aabot sa P5.4 trilyon ngayong taon, o humigit-kumulang 25 porsiyento kada taon na paglago, higit pa sa record-breaking na tagumpay noong 2019 ng 7.1 porsiyento.
Nakikitaan din na lalampas sa 9.5 milyong trabaho o 20 porsiyento ng national workforce ang employment sa turismo.
Ayon sa WTTC, nakatakda ring malampasan ang rekord ngayon taon ng international at domestic visitor na nasa P715.6 bilyon at P 3.7 trilyon na lagpas sa 2019 level na 5.7 porsiyento at 18 porsiyento.

