Mga pasahero ng nasiraang barko sa Palawan, ligtas na naibaba ng PCG

LIGTAS na naibaba ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga pasahero ng isang nasiraang barko at sumadsad malapit sa Coron Port sa Puerto Princesa City sa Palawan. 

Ayon sa PCG, ang cargo-vessel na MV St. Francis Xavier ay nakaranas ng engine trouble habang paalis sa Coron.  

Habang nagmamaniobra, bigla itong nawalan ng kuryente kaya nanatili itong nakalutamg sa humigit-kumulang one nautical mile mula sa daungan ng Coron. Iniangkla naman ng mga tripulante ang barko upang hindi ito maanod. 

Habang kinukumpuni naman ng mga tripulante ang kuryente, bigla naman itong sumadsad sa mababaw na bahagi ng tubig malapit sa pier dahil sa low tide.  

 Bagama’t naibalik na ang power supply, hindi naman ito makagalaw sanhi ng pagkakasadsad nito.  

Agad namang tumugon ang mga tauhan ng Marine Environmental Protection Unit (MEPU) at Coast Guard Station (CGS) Northeastern Palawan sa nasabing barko upang inspeksyunin ang engine room at bilge kung saan walang nakitang anumang senyales ng oil spill o pagtagas ng langis. 

 Ayon sa PCG ,sa ngayon ay nasa kabuuang 324 na mga pasahero na sakay ng barko ang naibaba na habang nagpapatuloy pa rin ang disembarkation sa mga pasahero.  

 Nagsagawa na rin ng underwater hull assessment ang mga divers. Planong bumalik ng cargo-vessel sa port of Coron para sa masusing pagsusuri bago magpatuloy sa paglalayag.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.