ISANG babae ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) matapos mahuli na ginagamit ang kanyang menor-de-edad na anak para sa online sexual show at exploitation.
Nag-ugat ang operasyon mula sa idinulog na kaso ng Department of Justice Office of Cybercrime (DOJ-OOC) laban sa isang babae na umano’y ginagamit ang kanyang mga menor-de-edad na anak para sa isang palabas online.
Dahil dito, noong April 12, 2024 ay nagsagawa ng entrapment operation at pagsisilbi ng isang Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data o WSSECD ang pinagsanib na pwersa ng NBI-HTRAD at NBI-Northeastern Mindanao Regional Office (NBI-NEMRO) kasama ang NBI-Digital Forensics Laboratory laban sa suspek sa kanyang bahay sa San Luis, Gingoog, Misamis Oriental.
Dito naaktuhan ang suspek sa aktong inaalok nito ang kanyang mga anak sa isang online sexual show kapalit ng pera.
Sa nasabing operasyon, ni-rescue ang tatlong menor-de-edad na kasalukuyang nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasong paglabag sa R.A. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (Anti-OSAEC) Act at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (Anti-CSAEM) Act, R.A. 9208 as amended ng R.A. 10364 at further amended ng R.A. 11862 (Anti-Trafficking in Persons Law) in relation to R.A. 10175 (Cybercrime Law), R.A. 7610 (Child Abuse Law), at Rape by Sexual Assault laban sa naarestong suspek.

