MATAGUMPAY na napatalsik ng Bureau of Immigration (BI) mula sa bansa ang American national na si Lee O’Brian, na dating asawa ng artistang si Marietta Subong, na mas kilala sa pangalang “Pokwang.”
Maaalala na noong nakaraang taon, naghain ng deportation case ang komedyanteng si Pokwang laban kay O’Brian dahil sa pagtatrabaho ng walang kaukulang permit.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Subong na si O’Brian ay nagta-trabaho sa iba’t-ibang production companies ng walang kaukulang work permit mula sa Department of Labor and Employment at BI.
Nakakita ng merito ang BI sa nasabing reklamo at inutusang i-deport si O’Brian noong Disyembre dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa. Naghain naman si O’Brian ng “motion for consideration,” na kalaunan ay na-deny.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na si O’Brian ay nadeport noong Abril 8 sakay ng Philippine Airlines flight patungong San Francisco matapos makumpirma ng BI na wala siyang pending local case sa Pilipinas.
Bilang resulta ng kanyang deportasyon, si O’Brian ay kasama na sa blacklist ng BI, kung saan hahadlangan ang anumang mga pagtatangka nito na muling makapasok sa bansa sa hinaharap.

