ISANG sunog na tinatayang tumagal ng mahigit siyam na oras ang tumupok sa maraming mga kabahayan sa Isla Putting Bato sa Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat na inilabas ng Bureau of Fire protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas 3:55 hapon ng Miyerkules na umabot sa task Force Alpha.
Pasado ala-una na ng madaling araw ng Huwebes nang ideklarang “fire out” ang sunog na tumupok sa 300 mga kabahayan.
Ayon sa ilang residente, nagsimula ang apoy sa isang bahay sa Purok 3 hanggang kumalat na sa Purok 5 na sakop ng Barangay 20, Isla Puting Bato.
Nagluluto umano ang isang residente nang tumagas ang gaas sa kusinilya na siyang naging dahilan ng mabilis na magliyab hanggang hindi na ito nakontrol pa at tuluyang mabilis na lumaki ang sunog.
Ayon kay Barangay Captain Anthony Igus, nasa 1,000 pamilya ang naapektuhan sa malaking sunog.
Tatlo naman ang iniulat na nasugatan sa sunog na agad ginamot ng mga medical rescue team.
Gawa sa light materials ang mga bahay kaya mabilis nagliyab ang sunog sa mga kabahayan na tila nagmistulang impyerno dahil na rin sa lakas ng hangin, bukod pa sa hirap ang mga bumbero dahil masikip at wala nang malusutan ang kanilang fire hose.
Tinatayang aabot sa P1 milyon ang danyos ng naturang sunog na hanggang ngayon ay hindi pa batid ang sanhi.
Nanawagan naman ang mga pamilyang nawalan ng tirahan at gamit sa mga kinauukulan na tulungan silang makabangon muli at maipatayo ang kanilang mga bahay.
Pansamantala namang namamalagi ang mga nasunugan sa evacuation center ng lungsod.

