TATLO pang dayuhang sex offender ang hinarang ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) na makapasok ng bansa dahil sa pagiging “undesirable aliens.”
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang tatlong pasahero ay pinigil sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 dahil sa pagpapanggap bilang mga turista.
Kinilala ang mga dayuhan bilang sina Jeffrey William Jewitt, 42 taong gulang, Charles David James Weatherall, 32 taong gulang, at Momodu Wurie Jalloh, 28 taong gulang.
Si Jewitt, na sakay ng isang Korean Airlines flight galing Incheon, South Korea, ay nahatulan ng two counts ng child abduction at pagmomolestiya sa isang 16 anyos at sexual exploitation sa isang 12 anyos sa isang korte sa Illinois noong 2012, ayon sa BI Border Control and Intelligence Unit (BCIU).
Si Weatherall naman ay hindi pinayagang makapasok ng bansa pagdating nito sa NAIA sakay ng Air China flight galing Beijing. Hinatulan ito ng child pornography dahil sa pagkakaroon ng mga hubad na larawan ng mga kababaihan sa United Kingdom.
Si Jalloh naman, na sakay ng Saudia Airlines flight galing Jeddah, Saudi Arabia, ay pinigilan din makapasok ng bansa dahil nahatulan sa kasong “aggravated sexual assault due to incapacitation” sa isang 21 anyos na babae.
“As gatekeepers of the country, immigration officers are chiefly responsible for seeing to it that unwanted aliens are immediately turned away upon arriving in any of our international port of entry,” ayon kay Tansingco.

