IKINALUGOD ng mga mamamayang Muslim sa Pilipinas ang dami ng mga nakiisa sa pagdiriwang ng pagtatapos ng isang buwang Ramadan o Eid al-Fitr, na kilala din bilang “Feast of Sacrifice.”
Ang makabuluhang pagdiriwang na ito ay gumugunita sa “Prophet Ibrahim’s act of obedience,” ayon kay Chairman Suhaayli Abangon na siyang nag-organisa sa pagtitipon-tipon ng mga kapatid na Muslim ngayong araw sa Rizal Park.
Ipinagdiwang ng mga Muslim ang okasyon sa pamamagitan ng pagdarasal, kapistahan at mga gawaing pang-kawanggawa.
Ayon kay Chairman Abangon, tinatayang nasa 10,000 ang nakiisa sa pagdiriwang ng pagtatapos ng pag-aayuno.
Bagama’t sobrang init ng panahon, hindi inalintana ng mga Muslim ang init ng araw kung saan bago magbukang-liwayway ay dumagsa na sila sa Rizal Park para makiisa sa makabuluhang pagdiriwang.
Ayon kay Abangon, kapag dumarating ang Ramadan ay ginagawa nila lahat ang kautusan ni Alla — kung ipapamuhay aniya ang natutunan sa Ramadan ay napakaganda ang magiging pamumuhay.
Idinagdag pa ni Abangon na dumarating ang Ramadan kada taon sa mga Muslim at ito ay kasama sa limang haligi ng Islam.
Ngayong Ramadan, umaasa rin si Abangon at kapwa nito Muslim na matigil na ang gulo sa Palestine.
Kristiyano balik Muslim
Ipinaliwanag naman ni Abangon na marami ngayon ang mga Kristiyano na nagbabalik-Islam dahil noon aniya ang buong Pilipinas ay Muslim.
Binanggit nito na noong 1380, ang lider sa Metro Manila ay si Rajah Suliman. Dumating lang aniya ang Espanyol noong March 16,1521 kaya nagkaroon ng Kristiyano.
Binigyan-diin naman ni Abangon na dapat magmahalan ang lahat ano man ang relihiyon kasabay ng kanyang panawagan sa lahat ng mga Filipino, Muslim o anu pa man na mapunta sa tama.
Ramadan pagpupuri sa Allah
Sinabi naman ni Maguindanao Governor Esmael Toto Mangundadatu, na dumalo rin at nakiisa sa pagdiriwang ng Eid al-Fitr, na lahat ng pagpapatupad na ito ay bilang pagpupuri sa Allah.
“Ang pinakaasam-asam naming ay ang kabilang buhay, ayan po maging Kristyano man o maging sinuman na kapatiran po natin na tayo ay dapat nagkakaintindihan at nagmamahalan.”
Nagpapasalamat din ito sa nasabing aktibidad dahil napakarami ang dumating at nakiisa sa pagdiriwang sa Rizal Park.
Mensahe pa ng gobernador ngayong Eid al-Fitr na sana magtuloy-tuloy ang kapayapaan dito sa Pilipinas at sa buong mundo.

