INIULAT ng Department of Health (DOH) na sa gitna ng umiiral na El Niño weather phenomenon, nakapagtala pa din ito ng mga kaso ng “water contamination, food-borne” at “vector-borne” na mga sakit sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
Ayon sa ahensiya, nakapagtala ito ng 469 na kaso ng water contamination na may kinalaman sa El Niño sa Cordillera Administrative Region (CAR), Rehiyon 11 at 4A. Samantala, 59 na kaso naman ng food-borne disease ang naitala sa National Capital Region (NCR), Region 10, at Bangsa Moro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at 137 na mga kaso ng vector-borne disease (dengue at chikungunya) sa Rehiyon 10 at 4B.
Paliwanag ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo, ang nasabing bilang ay hindi pa nakakaalarma ngunit idinagdag nito na ang mga kaso ay binabantayan at nireresolba o naresolba na.
Ayon kay Domingo, wala pang naitatala na mga heat stroke cases sa bansa.
Paalala ng opisyal sa publiko, huwag magbilad sa ilalim ng init ng araw at mamalagi na nasa lilim, at magsuot ng “light-colored clothes.”
Uminom din ng maraming tubig kung kinakailangan at kapag lumabas ay iwasan ang oras na 10 am hanggang 2 pm dahil ito ang mga oras kung saan pinaka-mainit ang araw.
Ayon sa datos ng DOH, ang mga sakit sa panahon ng El Niño ay hindi lamang dahil sa init kundi kaugnay din ang tamang water handling at storage.
Sinabi ni Domingo na nakipagpulong na ang DOH sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) upang matiyak na maayos ang pagkakabit ng mga concessionaires ng mga tubo ng tubig dahil ang mahinang daloy ng tubig ay maaaring magdulot ng mga isyu na may kinalaman sa kalusugan.
Tiniyak naman ni Engr. Patrick Dizon, department manager at spokesperson ng MWSS, na ang mga concessionaires na Manila Water at Maynilad ay sumusunod sa standard ng water supply distribution pipelaying.
Ang pag-iimbak ng tubig ay katanggap-tanggap din na paraan pero ipinaliwanag ni Domingo na ito ay dapat gawin ng mahusay upang maiwasan ang dengue.

