Mga empleyado ng refilling station sa Bulacan, timbog dahil sa ilegal na pagbebenta ng LPG

BUMAGSAK sa kamay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation – Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) ang apat na empleyado ng Sun Power LPG Gas Refilling (Sun Power) dahil sa ilegal na pagbebenta ng Liquified Petroleum Gas (LPG).

Sa isang entrapment operation, nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Chole Tirando Mejorada, Joshue Roque Bantoy, Markjelo Gonzales Perlata at Jill Arjhea Deleon Inocencio, mga empleyado ng Sun Power na matatagpuan sa 1031 Matungao, Bulakan, Bulacan, na ilegal na nagbebenta ng LPG (Liquefied Petroleum Gas) sa kanilang mga kostumer gamit ang tatak na Regasco.

Matapos itong nakumpirma ng NBI-OTCD, nagsagawa ang grupo ng entrapment operation kung saan isang poseur-buyer ang nagpanggap na magpapa-refill ng LPG, na nagresulta naman sa pagkaka-dakip ng mga suspek.

Maliban sa entrapment money, narekober din mula kay Inocencio ang walong LPG cylinder na binili ng poseur buyer, tatlong 11-kilogram cylinder at isang five-kilogram na cylinder na pawang may tatak na Regasco, apat ng generic LPG cylinder, tatlong unit ng weighing scale at tatlong  unit ng hose na may kasamang pole.

Patong-patong na kaso ang isinampa laban sa mga suspek sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos, Bulacan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.