INIULAT ng pamahalaang lungsod ng Maynila na halos dumoble ang basurang nahakot makatapos ang selebrasyon ng Traslacion bilang bahagi ng Pista ng Itim na Poong Nazareno.
Ayon sa datos na inilabas ng Department of Public Services (DPS) ng pamahalaang lungsod, nakakolekta na sila ng 407 metriko tonelada ng basura o katumbas ng laman ng 148 na trak noong alas-8 ng umaga ng Enero 10, basurang sinasabing iniwan ng mga deboto sa katatapos lamang na selebrasyon ng Pista ng Itim na Poong Nazareno.
“This is from all the activities from January 6-10,” ayon kay City of Manila spokesperson Atty. Princess Abante.
Halos dumoble ito kumpara sa 265 metriko tonelada o 99 trak ng basura na nakolekta noong 2023 sa buong selebrasyon ng Kapistahan.
Noong 2020, ang taon na kung saan huling idinaos ang Traslacion bago ipahinto dulot ng pandemya, nasa 394 metriko tonelada o 88 trak ng basura ang nahakot noon.
Nitong Enero 9, ang mismong araw ng Pista ng Nazareno, nasa 128 metriko tonelada o 46 trak ng basura ang nahakot na ng DPS, kabilang ang mga basura na iniwan sa Traslacion at ibang mga lugar ng selebrasyon kabilang ang sa Quirino Grandstand at sa paligid ng simbahan ng Quiapo.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang paghahakot at paglilinis ng DPS sa mga lansangan na dinaanan ng Traslacion 2024.

