DOH, dumistansya sa issue ng “Charter Change”

DUMISTANSYA ang Department of Health (DOH) sa umano’y kampanya para sa charter change na sinabi ng mga mambabatas na magsisimula ngayong buwan.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na ang tanging konsiderasyon ng ahensya para sa pamamahagi ng tulong medikal para sa mga “indigent” at “financially incapacitated” na mga pasyente ay ang kanilang kalagayan na sinusuri ng isang lisensiyadong social worker sa isang ospital o pasilidad ng kalusugan.

Ang departamento ay kabilang sa mga ahensya na sinabi ng senador na bibigyan ng tulong.

Ayon kay Sen. Imee Marcos, chair ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation,  na hindi pinangalanan mga tagapagtaguyod ng charter change, nag-aalok ng P20 milyon na tulong sa mga lalawigan kung saan hindi bababa sa tatlong porsiyento ng mga rehistradong botante ang pipirma ng petisyon para amyendahan ang 1987 Constitution.

Ang mga lagda ay bahagi umano ng isang pagtatangka na baguhin ang ilang mga nasasaad sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng isang tinatawag na “People’s Initiative,” isang paraan na dalawang beses nang nabigo pagdating sa Korte Suprema.

Ayon pa kay Sen. Marcos, nagsimula na ang pangangalap ng mga lagda sa rehiyon ng Ilocos, sa Bicol, at sa Central at Eastern Visayas. 

Sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman noong nakaraang linggo na ang mga alkalde ng lalawigan ay tinawag sa isang pulong noong Enero 5 kung saan sila ay binigyan ng mga signature sheet para lagdaan ng kanilang mga nasasakupan.

Sinabi ng mambabatas na ang mga botante na piprma sa petisyon para sa people’s initiative ay bibigyan ng P100 bawat isa, 50 percent nito ay naipauna na sa mga municipal mayor at kani-kanilang mga coordinator.

Itinanggi naman ni AKO BICOL Party-list Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon at Polangui, Albay Mayor Raymond Adrian Salceda ang binanggit ni Lagman at tinawag na hindi totoo, “false and utterly ridiculous.”

Ayon naman kay Alfredo Garbin Jr., dating kinatawan ng AKO BICOL at dating tagapangulo ng House Committee on Constitutional Amendments, na habang tinalakay ang charter change sa League of Municipalities of the Philippines meeting noong Enero 5, ang alegasyon na may inilabas na pera ay “isang ligaw at walang basehang paratang.”

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.