NADAKIP na ng mga pulis ng Bacacay Municipal Police Station ang isang suspek sa panghahalay at pagpatay sa isang 22-taong gulang na honor student matapos ang tatlong araw na operasyon.
Ayon kay Police Major Irvin Bellen, Chief of Police ng Bacacay police sa Albay, naituro ang kinaroroonan ng suspek sa tulong ng mga mamamayan kaya’t di nagsayang ng panahon ang mga pulis at naaresto ang suspek na si Ariel Marbella sa Purok 7, Bacacay, Albay.
Ayon kay Bellen, matibay ang kanilang kaso laban sa suspek dahil sa hawak nilang saksi na positibong nagtuturo sa suspek na galing ito sa crime scene o sa ilog sa Brgy. Hindi, Bacacay, Albay kung saan natagpuang walang buhay ang biktima
Batay sa ulat, sinasabing galing sa inuman ang suspek na si Marbella nang harangin nito ang biktima na magpapa-encash lamang ng pera na padala ng kapatid nito.
Kasong rape with homicide ang kakaharapin ngayon ng suspek. Iimbitahan din ng pulisya ang dalawang umano’y nakainuman ng suspek bago ang krimen.
Ayon sa Bacacay police, dati nang nakukong ang suspek sa kasong robbery noong 2019. Aalamin din ng pulisya kung nasa impluwensya ng droga ang suspek nang gawin nito ang karumal-dumal na krimen.
Matatandaang naglaan ng P50,000 pabuya ang alkalde ng Bacacay sa simumang positibong makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng suspek sa nasabing krimen.

