Test kit vs African Swine Fever, tinutuklas na ng mga dalubhasang Pilipino; bakuna, matatagalan pa — DOST

Share this information:

GUMAGAWA na ngayon ng diagnostic test kit laban sa African swine fever (ASF) ang isang research and diagnostic company, ayon sa Department of Science and Technology (DOST).

Ito ay dahil matatagalan pa bago matapos ang pagtuklas ng bakuna laban sa ASF.

Sinabi ni DOST Undersecretary Rowena Guevarra sa Laging Handa public briefing na aabutin pa ng dalawang taon bago matapos ang pag aaral sa bakuna laban sa ASF, na posibleng sa 2023 o 2024 pa mailalabas.

Dahil dito, sinimulan na ang paglikha ng detection test kit laban sa ASF. Kapag natapos ito, hindi na kinakailangan pang patayin ang lahat ng baboy na nasasakop ng isang kilometrong radius kapag mayroong isa sa mga ito ang may ASF.

Sa halip, ang mga baboy na masusuri at makikitang may sakit na lamang ang isasailalim sa culling o pagpatay, habang ang ibang kasama nitong baboy na wala namang sakit ay pwede nang ihiwalay at pwede pang maalagaan at mapalaki.

Pangkaraniwan aniya ay dugo ang ginagamit na sample mula sa baboy para masuri kung may sakit ito o wala. Sa ganitong mga pagtuklas, sinabi ni Guevarra na karaniwan ding ang gobyerno muna ang gumagastos habang wala pang permit para sa paggamit ng test kit.

Dagdag pa nito na posibleng sa pagtatapos ng taong ito o sa unang quarter ng 2023 maipalalabas ang diagnostic test kit laban sa ASF.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.