Wala pang planong ipatanggal ang paggamit ng face mask — Duterte

IGINIIT ni Pangluong Rodrigo Duterte na wala pang plano na ipatanggal na ang paggamit ng face mask.

Sa ginanap na “Talk to the People,” ipinayag ng pangulo na hindi pa ito handa na magbigay ng utos upang tuluyang alisin ang pagsusuot ng face mask, hindi tulad ng sa face shield na pwede nang tumigil sa paggamit ang mga mamamayan.

Iginiit pang muli ni Duterte na maraming maganda at kabutihang nagawa ang pagsusuot ng mga Pilipino ng face mask upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

“Matatagalan pa ang pagsusuot natin ng face mask,” turan pa nito.

Hindi pa rin mawala ang pag-aalala ng pangulo matapos makarating dito ang balita tungkol sa isa na namang lumulutang na panibagong variant ngayon, na nadiskubre sa Israel, bagaman wala pa itong  kumpirmasyon.

Ngunit kung sakali mang magkaroon ng kumpirmasyon ang balitang ito, ang paliwanag ng pangulo ay tiyak na makakarating sa bansa ang panibagong variant sa ayaw man ng mga Pilipino o hindi.

Kung kaya muli itong umapela sa mga mambabatas na huwag munang galawin ang natitirang Bayanihan funds.

Paliwanag ni Duterte, kung sakaling makakapasok ang bagong COVID-19 variant sa bansa ay mayroon pang mapagkukuhanan muli ng pondo ang pamahalaan.

Walang nakakaalam kung kailan matatapos ang pandemya, pag-amin ng pangulo, kaya mahalaga pa din na dapat ay may nakalaang pondo bilang pag-tugon dito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.