HINDI nakaligtas sa mga matitinik ng operatiba ng Pampanga Police ang isang notoryus na drug suspek matapos magsagawa ang kapulisan ng isang drug operation sa Macabebe, Pampanga, kahapon.
Kinilala ni Philippine National Police Chief (PNP) General Dionardo Carlos ang suspek na si Macromar Nicodemus, na sinasabing myembro ng Sigue Sigue Sputnik Gang.
Nasamsam mula kay Nicodemus ang 4 na pakete ng hinihinalang shabu na nasa 55 gramo at nagkakahalaga ng P374,000, buy-bust money, cellphone, at isang kalibre 38 revolver na kargado ng bala.
Nasa kustodiya na ng Macabebe Police ang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Commission on Elections Resolution 10728 o Election Gun Ban.
Matapos madakip ang suspek, muling ipinayag ni Carlos na kanila pang mas paiigtingin ang anti criminality campaign ng PNP lalo pa’t panahon ngayon ng eleksyon.

