ISANG pulis ang nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan nang bumagsak ang helicopter ng Philippine National Police (PNP) sa Real, Quezon, Lunes ng umaga.
Tinukoy ni Police Brigadier General Roderick Augustus Alba, tagapagsalita ng PNP, ang nasawi na si Police Patrolman Allen Noel Ona.

Naisugod naman sa Claro M. Recto Hospital sa Infanta, Quezon ang mga nasugatang sina Police Lieutenant Colonel Michael Melloria at Police Lieutenant Colonel Dexter Vitug.
Sinasabing may isa pang sakay ng chopper ngunit wala pang impormasyon hinggil sa kanyang sitwasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, lulan ang mga pulis sa PNP Airbus H125 helicopter RP-9710 na umalis ng Manila Domestic Airport dakong alas-6:17 ng umaga para sa isang administrative mission.
Gayuman, iniulat na nawawala ang helicopter ilang oras matapos itong mag-take off.
Bandang alas-8:15 ng umaga nang makatanggap ng ulat ang Real Municipal Police Station na isang helicopter ng PNP ang bumagsak sa bahagi ng Purok Mayaog, Barangay Pandan.
Nahirapan umano ang mga awtoridad na agad na makapagpadala ng impormasyon dahil walang signal ng telekomunikasyon sa lugar.
Pansamantala munang hindi pinapayagan na lumipad ang buong fleet ng H125 Airbus ng PNP habang nagpapatuloy ang imbestigasyon katuwang ang Civil Aviation Authority of the Philippines, Department of Transportation, at iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan.
PHOTO CREDIT: PNP Public Information Office
