Davao Occidental, niyanig ng magnitude 5.7 at 5.2 na lindol

DALAWANG beses na nakaranas ng may kalakasang pagyanig at aftershocks ang bahagi ng Davao Occidental, Lunes ng umaga.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), unang naitala ang magnitude 5.7 na lindol dakong alas-2:29 ng madaling araw sa layong 109 kilometro ng Timog-Silangan ng munisipalidad ng Jose Abad Santos.

May lalim na 54 kilometro ang pagyanig na tectonic ang pinagmulan.

Nabatid pa sa Phivolcs na naramdaman ng mga residente ang Intensity 4 sa Jose Abad Santos, Don Marcelino, ay Malita, Davao Occidental; at sa Glan, Sarangani habang Intensity 3 sa Santa, Davao Occidental; Lupon, at Mati City, Davao Oriental; Malapatan, Alabel, at Malungon, Sarangani; at Tupi, South Cotabato.

Samantala, Intensity II ang naramdaman ng mga taga-Davao City; Digos City, Davao del Sur; General Santos City, South Cotabato.

Kung pagbabatayan naman ang instrumental intensities, naitala ng Phivolcs ang Intensity 3 sa General Santos City at Intensity I sa Davao City at Kidapawan City.

Samantala, bandang alas-5:13 ng madaling araw naman nang maitala ang magnitude 5.2 na lindol sa layong 115 kilometro ng Jose Abad Santos.

May lalim na 69 kilometro ang pagyanig at naitala ang instrumental intensity 2 sa General Santos City.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.