NAGKASA ng one-time big-time transport strike ang grupo ng mga jeepney driver at operator na nasagad na ang pasensiya sa paghihintay sa gobyerno na aksyunan ang kanilang inihihirit na taas-pasahe sa gitna ng sunud-sunod na malakihang oil price hike.
Ayon kay Liga ng Transportasyon sa Pilipinas (LTOP) national president Orlando Marquez, hindi na nila mahihintay pa na maibalik ang piso sa minimum na pasahe sa jeep.
May petisyon ang grupo sa Land Transportation Francishing and Regulatory Board (LTFRB) para maibalik ang P9 minimum na pasahe sa jeep at karagdagang dalawang piso.
Gayunman, sinabi ni Marquez na hanggang ngayon ay wala pa ring itinakdang pagdinig sa nasabing petisyon ang LTFRB.
“Hindi naman natin maantay na ibalik ‘yung piso na ideklara ni Chairman (Martin) Delgra. So, mag-one time big time na rin tayo na strike,” ani Marquez.
“Hindi na bale kaming mamatay sa giyera, huwag lang kaming mamatay sa gutom. Yung piso na aming boluntaryo na ibinigay nuong 2018 nang bumaba ang krudo. Kumbaga sa sinturon, higpit kami ng higpit. Eh mamamatay na po kami,” dagdag nito.
Sa datos ng Department of Energy (DOE) sa Metro Manila, naglalaro sa P58.90 hanggang P79.25ang presyo ng kada litro ng gasolina habang nasa P52.15 hanggang P64.68 ang kada litro ng diesel.
Ayon naman sa LTFRB, hinihintay na lang na mailabas ang P2.5 bilyong pondo para sa fuel subsidy o sa Pantawid Pasada Program.
Batay umano sa hiling ng Department of Transportation sa Department of Budget and Management (DBM), aabot sa 377,443 ang benepisaryo ng inaasahang fuel subsidy na aabot ng P6,500 bawat isa gayunman sa Abril pa inaasahang maipatuutpad ang programa.

