Bloody V-Day: misis binoga ni mister dahil sa selos

SA halip na rosas at tsokolate ay punglo ng baril ang iniregalo ng isang 47-anyos na construction worker sa kanyang asawa sa araw mismo ng mga puso o Valentine’s Day sa bayan ng San Fernando, Cebu.

Nasa kritikal na kondisyon ang biktima na nakilalang si Margie Calunsag Dela Cruz, 38-anyos, sa South General Hospital bunsod ng dalawang tama ng bala ng baril sa kanyang katawan.

Habang nasa kostudiya na ng pulisya ang suspek na si Joel Dela Cruz.

Ayon kay Police Major Efren Diaz Jr., hepe ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS), nangyari ang insidente sa loob ng bahay ng mag-asawa sa Sitio Upper Tonggo, Barangay Tonggo pasado alas 2 ng madaling araw ng Lunes, Pebrero 14, 2022.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon, nagising na lamang ang suspek at nasulyapan ang kanyang asawa na may ka-chat sa Facebook messenger kahit madaling araw na.

Sa hinalang may karelasyon ang kanyang asawa sa ibang lalaki ay dito na bumangon sa pagkakahiga sa kama ang suspek at kinuha ang nakatagong baril bago dalawang beses pinaputukan ang asawa nito.

Bago ang insidente ay napag-alaman na matagal na umanong sinabihan ng isa sa pito nilang anak na may ibang karelasyon ang kanilang ina na at ang itinuturo ay kapitbahay na hindi kalayuan sa kanilang bahay.

Sinabi ni Diaz na nagsisisi si Dela Cruz sa kanyang ginawang pagbaril sa asawa nito at idinahilan ang labis na pagkagalit sa pagkakaroon ng ibang karelasyon ang ina ng pito nilang anak.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.