Security guard, sinaksak ng sinita sa Malabon

SWAK sa kulungan ang isang factory worker matapos nitong undayan ng saksak ang isang security guard na pinagbintangang sumita sa kanya sa Malabon City kamakalawa ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong tangkang pagpatay at paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa nakumpiskang patalim sa kanya ang suspek na si Henry Marquez, 41 anyos, ng 15 Inda Maria St. Brgy. Potrero.

Sa ulat na isinumite ni P/SSgt. Jeric Tindugan kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, dakong alas-12:30 ng madaling araw, nasa harap ng binabantayang establisimiyento sa Inda Maria St. Brgy. Potrero si Raffy Diamos, 28 anyos, ng 188 Ramon Delfin St. Brgy Marulas, Valenzuela City nang lapitan ng suspek at tanungin ng “Ikaw ba yung nagsita sa akin?” sabay bunot ng patalim at hinalihaw ng saksak ang biktima.

Masuwerteng sa kanang pulso lamang nahagip ang biktima kaya’t nagawa niyang makatakbo at makahingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nakuha rin ng mga umarestong pulis sa suspek ang ginamit na patalim sa pananaksak habang nalapatan naman kaagad ng lunas sa tinamong saksak ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.