Anim na mga drug suspect, kalaboso sa P312k shabu sa Valenzuela, Malabon

SA kalaboso muna mamamalagi ang anim na hinihinalang mga drug pusher, kabilang ang magkapatid na bebot matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa mga lungsod ng Valenzuela at Malabon.

Sa ulat ni PCpl. Christopher Quiao kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong alas-11 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Joel Madregalejo ng buy-bust operation sa 51 C. Molina St., Brgy. Viente Reales na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jeffrey Diaz alyas “Boss,” 36 anyos.

Nakumpiska kay Diaz ang tinatayang nasa 30 gram ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P204,000, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 15 pirasong P500 boodle money, cellphone at coin purse.

Sa Malabon, dakong alas-3 ng madaling araw nang matimbog naman ng mga operatiba ng Malabon Police SDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Albert Barot sa buy-bust operation sa Pinagtipunan Circle corner Santol Road., Brgy. Potrero sina Ester Dela Cruz alyas “Teru,” 37 anyos, Sharon Dela Cruz alyas “Shawie.” 31 anyos, at Benjie Gardoce alyas “Bebe,” 23 anyos, pawang mga residente ng Caloocan City.

Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang nasa 9 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P61,200 at P500 marked money.

Nauna rito, dakong alas-9:30 ng gabi nang masakote din ng kabilang team ng SDEU si Adrian Besin, 24 anyos, delivery rider at Christer Olajay alyas “Terry Boy.” 18 anyos, kapwa ng Caloocan City sa buy-bust operation sa M.H Del Pilar Brgy. Tugatog.

Ayon kay PMSgt. Randy Billedo, narekober sa mga suspek ang tinatayang nasa 7 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P47,600 at P500 marked money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.