Sangay ng Jollibee sa Binondo, nilooban

crime scene do not cross
Share this information:

NILOOBAN ng hindi pa nakikilalang salarin ang sangay ng isang fast food chain sa Binondo, Maynila kagabi.

Sa ulat ng Manila Pollice District (MPD) Police Station 11, dakong alas 11:30 ng gabi ng pasukin ng suspek ang sangay ng Jollibee sa Quintin Paredes St., Binondo, Maynila.

Sinasabing nakasuot ang suspek ng facemask, short, t-shirt, may katamtaman itong pangangatawan at may taas na 5’4″.

Sa imbestigasyon, natuklasan ang panloloob sa Jollibee kaninang umaga lamang ganap na alas 7 nang pumasok ang store manager na si Hasnah Ali.

Agad umanong napansin ni Ali na bukas na ang kanilang opisina at nang silipin ang kuha ng CCTV sa loob ng establisimyento, nakita ang suspek na sapilitang binuksan ang fire-exit kung saan siya pumasok.

Agad na nagtungo sa opisina ang suspek na puwersahan din nitong binuksan at naghanap ng anumang maaaring makulimbat pero iniwan ang cash vault ng buo saka umalis.

Gayunman, nang magsagawa ng inventory ang general manager at store manager, nadiskubre na may limang coin bags ang nawawala.

Tinatayang aabot sa P37,500 ang nawawalang pera na sinasabing kinita ng tindahan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at follow-up operation para sa ikadarakip ng suspek.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.