Lima arestado sa BDO hacking

Share this information:

LIMANG indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkakasangkot sa BDO hacking ng Mark Nagoyo Heist Group.

Kasama sa naaresto ang dalawang Nigerian national na sina Ifesinachi Fountain Anaekwe alyas Daddy Champ at si Chukwuemeka Peter Nwadi, gayundin sina Jherom Anthony Taupa, Ronelyn Panaligan at Clay Revillosa.

Unang naaresto sa entrapment operation sina Anaekwe at Nwadi ng NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) sa Mabalacat, Pampanga noong Enero18, 2022.

Ayon kay NBI Director Eric Distor, nag-ugat ang operasyon sa ibinigay ng impormante na sila ay may transaksyon ng mga suspek matapos itong lumutang sa NBI-CCD upang magbigay ng impormasyon kaugnay sa ilang indibidwal na pinaniniwalaang lider, miyembro o nauugnay sa Mark Nagoyo Group.

Maalala na noong Disyembre 2021, isang grupo  ang nagsagawa ng malawakang pagnanakaw na kinasasangkutan ng BDO at higit sa 700 mga customer nito.

Sa inisyal na ulat, ang nasabing grupo ay na-access ang bank accounts at nalimas ang kanilang mga pera.

Sa email confirmation ng mga illegal transfer, ipinakita na isinagawa ang transaksyon ng isang Mark D. Nagoyo.

Sinabi ng impormante na ang mga suspek ay nakikibahagi sa negosyo ng pagbibigay ng mga access device sa sinumang naghahanap ng mga opsyon para i-cash out ang mga pondong nakuha nang mapanlinlang.

Ang mga access device na ito ay mula sa mga bank account, crypto wallet, o kahit na mga point-of-sale na terminal ng mga lehitimong merchant.

Ayon pa sa NBI, nang tawagan ng isang Mark Froilan ang impormante tungkol sa mga money cash out, nakipag-ugnayan ang huli kay Champ na pagkatapos ay sinabing bibigyan niya ang impormante ng tatlong (3) magkakaibang mga account para makapaglipat siya dito ng P10 milyon bawat isa, na tila tinutukoy ang ang pondo mula sa BDO.

Dahil dito, naaresto ang dalawa sa operasyon habang aktong iniaalok ang account for sale.

Samantala naaresto rin sina Taupa sa buy-bust operation sa Floridablanca, Pampanga dahil sa pagbebenta ng “scampage” o phishing website.

Napag-alaman na si Taupa ay mastermind umano ng Mark Nagoyo Heist.

Naaresto rin sa hiwalay na operasyon sina Panaligan at Revillosa na kapwa sangkot sa BDO hacking bilang web developer at downloader.

Mahaharap sa kasong Trafficking in Unauthorized Access Devices sa ilalim ng Section 9 of RA 8484 o mas kilala bilang Access Devices Regulation Act of 1998 sina Anaekwe at Nwadi.

Sina Taupa naman ay kakasuhan ng Misuse of Devices sa ilalim ng  Section 4(a)(5)(i)(aa) of RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.