UMAKYAT sa 171 mga lugar sa National Capital Region (NCR) ang nasa ilalim ngayon ng granular lockdown dahil sa mga kaso ng COVID-19.
Gayunman, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na ang mga naturang lugar ay maliliit na bahagi lamang ng ilang mga barangay sa Metro Manila.
Tatagal ng labing-apat na araw ang granular lockdown o ang mga itinuturing na critical zones na may mataas na kaso ng impeksyon.
Samantala, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Ronaldo Olay na nasa 244 na pulis at 304 force multipliers ang nagmomonitor ngayon sa mga lugar na naka-lockdown.
Mahigpit na aniyang binabantayan ang seguridad at ang pagpapasunod sa minimum health standards.
halos 37k pasaway sa protocol – PNP
PUMALO pa sa halos 37,000 ang mga inarestong pasaway sa health protocols sa unang tatlong araw ng pagpapairal ng Alert Level 4 sa NCR.
Sa datos ng PNP, sa kabuuang 36,854 hinuli ay kalahati sa mga ito ang binigyan na lang muna ng babala; 44% ang pinagmulta at ang iba ay dinala sa presinto at kakasuhan.
“Ang bilin natin sa ating mga pulis, instead na magsagawa ng checkpoint operations doon sa mga boundary, mas i-focus natin ang deployment kung saan nagtitipon-tipon ang ating mga kababayan,” pahayag ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar.

