1 patay, 7 sugatan sa pagsabog sa Datu Piang, Maguindanao

Share this information:

ISA ang iniulat na namatay habang pitong iba pa ang nasugatan sa pagsabog ng improvised explosive device na hinihinalang itinanim ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa isang covered court sa Datu Piang, Maguindanao, Sabado ng hapon.

Ayon sa impormasyon mula sa 6th Infantry Division (ID) ng Philippine Army, nangyari ang insidente dakong alas-3:39 ng hapon habang may mga naglalaro ng volleyball sa covered court.

Tinukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nasawi na si Norodin Musa, 21-anyos. Ang mga nasugatan naman ay nasa edad 13 hanggang 29 anyos. Dalawa sa kanila ay nakalabas na ng ospital.

Sinabi ni Lieutenant Colonel John Paul Baldomar na tatlong anggulo ang sinisilip ngayon ng mga awtoridad na dahilan ng pagsabog kabilang ang diversionary attack ng BIFF.

“It may be a diversionary attack because of our ongoing combat operation against them. They are cornered and are hurt and many of them are surrendering so they want the military focus diverted,” pahayag ni Baldomar.

Hindi rin inaalis ang posibilidad na ang nakaalitan ng mga organizer ng palaro ang nanabotahe sa lugar. Sinasabing nakatanggap ng death threats ang mga organizer, ilang linggo bago ang palaro.

Iniimbestigahan na rin ang anggulo na pulitika ang motibo ng pagpapasabog.

Datu Piang is a hotspot when it comes to elections… In a few days, the filing of candidacy starts so this could be a demolition job,” dagdag nito.

Samantala, iniutos na ni Philippine National Police chief Police General Guillermo Eleazar ang manhunt sa mga suspek.

“Inatasan ko na ang regional director ng PRO-Bangsamoro Autonomous Region na makipagtulungan sa local military forces hindi lamang sa pagsagawa ng manhunt sa mga taong responsable dito kundi pati na rin sa pagpapaigting ng seguridad sa Maguindanao at sa ilang mga lugar kung saan maaaring mangyari ang ganitong klaseng karahasan,” dagdag ng heneral.

“Nananawagan din tayo sa ating mga kababayan na patuloy na makipagtulungan sa inyong kapulisan dahil ang inyong pakiiisa ay mabisang sandata upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang mga tao at grupo na maghasik ng karahasan sa ating bayan,” ayon pa kay Eleazar.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.