2 estudyante ng MSU, patay sa pamamaril sa loob ng unibersidad

BUMULAGTA ang dalawang estudyante ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City makaraang pagbabarilin sa loob mismo ng compound ng unibersidad.

Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima na sina Hamza Rauf, estudyante ng Physical Education at Zinal Omar, estudyante ng Civil Engineering. Sila ay kapwa nasa ikatlong taon sa kolehiyo.

Ayon kay Marawi police chief Lieutenant Colonel Nelson Madiwo, dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklong walang plaka ang umatake sa mga biktima dakong alas-sais ng Martes ng gabi sa commercial center sa loob ng MSU campus.

Sinabi ni Madiwo na tukoy na rin nila ang dalawang suspek at nagpapatuloy na ang hot pursuit operations laban sa mga ito.

Nakuha ng mga awtoridad sa lugar ng krimen ang apat na basyo ng kalibre .40 pistola.

Patuloy nang sinisiyasat ang nasa likod at motibo ng krimen sa mga estudyante.

Samantala, iginiit naman ng mga estudyante ng unibersidad na tiyakin ng pamunuan nito ang kaligtasan ng mga mag-aaral matapos ang insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.