Breaking News

Share this information:

BAGSAK sa kulungan ang isang lalaki matapos pasukin sa clinic at tangkaing saksakin ang isang 51-anyos na babaeng doktor sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, dahil sa mabilis na pagdating ng mga tauhan ni Sub-Station-1 Commander P/Lt. Joseph Almayda, naisalba ang buhay ng suspek na si Paulo Gonzales, 37 anyos, ng No. 37 P. Concepcion St. Brgy., Tugatog, mula sa kamay ng galit na mga bystander.

Kinuyog ang suspek matapos tangkaing patayin si Dr. Eva Cristine Andrade sa loob ng kanyang clinic sa 47-K Huat-Huat Building, Gov. Pascual Avenue, Brgy. Potrero.

Nangyari ang insidente, ayon kay P/CMSgt. Rio Norcio, shift supervisor ng Malabon police, bandang alas-10:45 ng gabi matapos pumasok si Gonzales na armado ng patalim sa clinic ng biktima at sa hindi pa malaman na dahilan ay sinugod at tinangka niyang saksakin si Dr. Andrade.

Gayunman, nagawang masangga ng biktima ang pananaksak hanggang sa magawa nitong maagaw ang patalim mula sa suspek na naging dahilan para tumakbo palabas ang lalaki upang tumakas.

Humingi naman ng tulong si Dr. Andrade sa mga bystander na agad hinabol ang suspek saka pinagtulungan itong kuyugin at natigil lang nang dumating ang rumespondeng mga pulis sa lugar.

Sinabi ni Lt. Almayda, kabilang sa mga posibleng motibo na tinitingnan ng pulisya ay personal na galit at robbery matapos sabihin ng biktima sa mga awtoridad na nakatanggap siya ng death threat mula sa isang hindi kilalang suspek.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: