NAGPASYA ang Commission on Elections (Comelec) na maglaan ng isang araw na nationwide synchronized mall registration day sa Setyembre 11.
Ito ay dahil sa nalalabing 21 araw na lamang bago ang deadline ng voter registration para sa national at local elections sa May 2022.
Sa National Capital Region (NCR) kung saan nasa ilalim pa rin ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa nasabing petsa, maaring tumanggap ang Office of the Election Officer (OEO) ng aplikante sa piling malls ng Robinsons Mall, Ayala Malls, SM Supermalls hanggang alas 5 ng hapon.
“Mahalaga sa amin hindi lamang ang comfort at convenience ng publiko kundi na rin ang kaligtasan at seguridad ng lahat, lalo na sa mga huling araw ng pagpaparehistro. Kaya naman lubos na nagpapasalamat ang Comelec na kaagapay namin ang pribadong sektor at iba pang ahensya ng gobyerno sa matagumpay na pagkamit sa layuning ito,” ayon kay Comelec Commissioner Aimee Ferolino.
Tiniyak din ni National Capital Region Police Office (NCRPO) PCol. Luis Maria Pascual sa Comelec at mall partners na may inisyal na 351 personnel ang kanilang idedeploy sa Setyembre 11.
Nangako rin ang Philippine National Police na magiging maayos at payapa ang pagsasagawa ng voter registration, pati na ang mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols.
Ayon sa abiso ng Comelec, lahat ng iskedyul ng mall registration ngayong Setyembre ay nakapaskil sa kanilang official website at social media accounts gayundin sa bulletin board ng district, city o municipal halls at OEOs.

