Paraan ng pagboto ng COVID-19 patients na nasa quarantine facilities, tinitingnan na

TINITINGNAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga pamamaraan kung paano makakaboto ang mga pasyente ng COVID-19 sa mga quarantine facilities para sa May 2022 national at local elections sa gitna ng pagtaas pa rin ng mga kaso.

Gayunman, marami ang tutol sa mungkahing ito ngunit sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na tinatrabaho na ng Comelec ang “voting protocol”  para sa mga Pilipino na positibo sa COVID-19 na maaaring gayahin ang ginagawa sa mga kulungan para sa mga persons deprived of liberty (PDLs) kung saan nagkakaroon ng espesyal na lugar para makaboto.

Ayon kay Jimenez, ang mga itatalagang mga election board sa quarantine center voting ay kailangang naka full-body protective gear tulad ng coveralls at gloves bukod pa sa facemask at faceshield.

Sinabi naman ng mga medical experts na maraming panganib  sa kalusugan at seguridad na kasama sa panukalang ito.

Ayon naman kay dating Health Secretary Manuel Dayrit, ang pisikal na pagboto ng isang malusog na indibidwal ay isa nang malaking hamon sa kanyang sarili, higit na ang planong ito dahil may panganib sa kalusugan.

Unless you can get the polling places where they are and they can vote where they are, then that might work but that’s a huge logistical challenge.” ayon kay Dayrit.

Sa panig naman ng Teachers’ Dignity Coalition, sinabi ng grupo na isang malaking panganib sa kanilang mga miyembro  na magsilbi sa mga quarantine polling centers kumpara sa school-based precincts.

Batid ni Olive De Guzman, vice chairperson of the Teachers’ Dignity Coalition na hindi ligtas ang uupong electoral board dahil 100 percent ang tiyansa na maaaring mahawa at sinabing maging siya mismo ay hindi papayag.

Iminungkahi ng Philippine Medical Association (PMA) ang ibang diskarte nang talakayin ang bagay na ito sa isang pagdinig ng komite sa Kongreso  noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Dr. Daniel Lising ng PMA sa mga mambabatas na maaaring payagang bumoto ang mga COVID-19 positive na katulad ng sistema ng pagboto ng ginagamit para sa mga OFW  kung saan bibigyan sila ng isang balota, pupunan nila ito sa isang sobre at pagkatapos ay tatatakan nila ito, pipirmahan ang sobre at ipapadala sa Comelec at kukunin ito ng isang kinatawan ng Comelec.

Gayunpaman, sinabi ni Dayrit na ang gawain sa pangangasiwa ng mga botohan ay hindi basta naipapasa lamang sa mga medical frontliners sa isolation facilities dahil hindi nila ito karaniwang ginagawa.

Dagdag pa ng dating health official na mas mainam ang online voting dahil mas ligtas na paraan ngunit hindi ito ang pinagpipilian ng Comelec sa ngayon.

Isinasapinal pa ng poll body ang alituntunin para sa araw ng pagboto, walong buwan bago ang halalan sa Mayo 9, 2022..

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.