SABAY na nararanasan ngayon ang epekto ng mga bagyong Jolina at Kiko sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Batay sa severe weather bulletin ng PAGASA, humina ang bagyong Jolina na nakatakdang maglandfall sa ika-siyam na beses sa bahagi ng Bataan.
Taglay ng bagyong Jolina ang lakas ng hangin na 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 115 kilometro kada oras.
Dakong alas-4 ng hapon nang huling mamataan ang mata ng bagyo sa Manila Bay o 135 kilometro ng timog ng Sangley Point sa Cavite. Kumikilos ang bagyong Jolina sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal 2 sa northern portion ng Oriental Mindoro; northern portion ng Occidental Mindoro kasama ang Lubang Islands; central portion ng Quezon; Batangas; Cavite; Laguna; Rizal; Metro Manila; southern portion ng Bulacan; Pampanga; Bataan; Zambales; at Tarlac.
Signal No. 1 naman sa Marinduque; La Union; southern portion ng Benguet; southern portion ng Nueva Vizcaya; Pangasinan; Nueva Ecija, nalalabing bahagi ng Bulacan; northern at southern portions ng Quezon kasama ang Polillo Islands; central portion ng Oriental Mindoro; at central portion ng Occidental Mindoro.
Bagyong Kiko, lalakas pa
Samantala, lumakas pa at posibleng maging super typhoon ang bagyong Kiko na huling namataan malapit sa Silangan ng Central Luzon.
Ayon sa PAGASA, taglay ng bagyong Kiko ang lakas ng hangin na 175 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 215 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo paakyat ng Northern Luzon sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Sa Biyernes ay inaasahang tatama sa kalupaan ng Cagayan-Batanes area ang bagyong Kiko.
Posible rin umanong maka-apekto sa bawat isa ang bagyong Jolina at Kiko.
Pasok sa trabaho at eskuwela, at bakunahan suspindido
SINUSPINDI ang pasok sa ilang tanggapan ng gobyerno gayundin ang pasok sa mga eskuwelahan bagamat online classes lamang.
Hindi rin umarangkada ang bakunahan laban sa COVID-19 sa ilang lugar sa Metro Manila dahil sa masamang panahon na dulot ng bagyong Jolina.
Payo ng mga LGU, manatiling naka-monitor sa kani-kanilang social media accounts para sa mga susunod na iskedyul ng pagbabakuna at iba pang mga impormasyon.
Walang kuryente
Apat na transmission lines ng National Grid Corporation of The Philippines (NGCP) ang naapektuhan ng bagyong Jolina.
Ayon sa NGCP, hindi gumagana ngayon ang mga sumusunod:
- Pitogo-Mulanay 69 kilovolt line kung saan apektado ang mga kustomer ng QUEZELCO 1
- Paranas-Borongan-Quinapondan 69 kilovolt line; apektado ang mga kustomer ng ESAMELCO
- Sta. Rita-Quinapondan 69 kilovolt line; apektado ang mga kustomer ng ESAMELCO; at
- Calbayog-Bliss 69 kilovolt line; apektado ang SAMELCO 1
Inatasan naman ng NGCP ang kanilang mga tauhan na agad na ayusin ang mga naapektuhang transmission lines.
Samantala, mahigit dalawang-daang libong kustomer ng Manila Electric Co. (Meralco) particular na sa Batangas, Laguna at Cavite.
3 dam sa Luzon, nagpapakawala ng tubig
BINUKSAN ang ilang gate para mapakawala ng tubig ng tatlong dam sa Luzon upang maiwasang umapaw sa gitna ng pag-ulan na dulot ng mga bagyong Jolina at Kiko.
Alas-8 ng umaga ng Miyerkules nang simulang magpakawala ng tubig ang Ipo dam matapos umabot sa 101.23 meters ang lebel ng tubig. Lagpas ito sa normal highwater level ng dam na 101 meters.
Maaaring maapektuhan ng pinapakawalang tubig ang mga bayan na nasa tabi ng Angat river kabilang ang Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel at Hagonoy.
Nauna rito ay nagpakawala na rin ng tubig ang Binga at Ambuklao dam.
Patuloy namang binabantayan ang Angat dam matapos bahagyang tumaas ang lebel nito sa 194.44 meters.
Mangingisda, patay; 4 na iba pa nawawala sa Marinduque
Isang mangingisda ang namatay nang malunod sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Jolina sa Buenavista, Marinduque.
Sa ulat ng Buenavista Municipal Police Station, natukoy ang pagkakakilanlan ng nasawi na si Jobert Manalo, 21-anyos. Nawawala naman ang mga kasama nitong sila Bobby Villavicencio, Bernie Villavicencio, Hermis Villavicencio at Mario Mendito.
Galing umano sa pangingisda ang mga biktima nang hampasin ng malalaking alon ang kanilang bangka sa Elephant Island sa Barangay Tungib-Lipata.
Samantala, limang mangingisda rin ang nawawala sa Sto. Nino, Samar habang 12 na sa kanilang kasamahan ang nasagip.
Mga residente sa Cavite inilikas
HINDI bababa sa isanlibong residente sa dalawang coastal barangay sa Noveleta, Cavite dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa Ilang-Ilang river na nasa kritikal na antas na.
Partikular na isinagawa ang pre-emptive evacuation sa mga Barangay San Rafael Uno at San Rafael Kuwatro. May ilang kalsada na rin sa Barangay San Antonio Uno at San Antonio Dos ang lubog sa baha.

