INIHAYAG ng Commission on Election (Comelec) na sa mismong araw ng halalan ang ihahanda nila ang mga istasyon kung saan ang mga botante ay isasailalim sa health screening bago sila makapasok sa mga lugar ng botohan.
Sakaling magkaroon ng sintomas sa araw ng halalan, ang botante ay ihihiwalay at dadahin sa polling isolation upang maiwasan ang hawaan.
“Naniniwala ang Comelec na ang pagkakaroon ng karamdaman ay hindi pwedeng dahilan para hindi kayo makaboto. Hindi po disqualifying ang pagkakaroon ng COVID,” paliwanag ni Jimenez.
Bukod dito, sinabi ni Jimenez na maglalagay din ng accessible na lugar para sa mga botante na nangangailangan ng tulong partikular na ang mga senior citizen at persons with disabilities.
Inulit din ni Jimenez na hindi na palalawigin pa ang voter registration period at sa halip ay pinalawak lang ang pagtanggap ng mga magpaparehistro.
Sa Agosto 23 naman magsisimula ang extension ng voting registration hours.
Matatapos naman ang voter registration sa September 30, 2021.
Ang mga kandidato naman na maghahain ng kanilang Certificates of Candidacy (COC) ay itinakda sa Oktubre 1 hanggang 8, 2021.
Nauna nang sinabi ng Comelec na tinitingnan pa ang partikular na petsa para sa paghahain ng COC sa bawat posisyon na ihahalal.

