MALAMIG na rehas na bakal ng kulungan ang kinabagsakan ng limang hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng baril at shabu sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa mga lungsod ng Valenzuela at Malabon.
Sa report ni PSMSgt. Fortunato Candido, may hawak ng kaso, kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong ala-1:30 ng Miyerkules ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Joel Madregalejo ng buy-bust operation sa St. Anthony St. Sta. Monica Village, Brgy., Ugong.
Kaagad inaresto ng mga operatiba si Rommel Naño, alyas “Omeng,” 29 anyos, at kanyang lover na si Analiza Bellen, alyas “Liza,” 30 anyos, matapos bentahan ng P500 halaga ng droga si PSSgt. Arvin Lirag na nagpanggap na poseur-buyer.
Narekober sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 5 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P34,000, buy-bust money, P500 cash, 2 cellphone, coin pouch, isang cal. 9mm pistol at magazine na may apat na bala.
Sa lungsod naman ng Malabon, natimbog din ng mga operatiba ng Malabon Police SDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Albert Barot sina Reynler Tardeo, 38 anyos, (pusher/listed), Barry Bautista, 44 anyos, at Marco Polo Maño, 43 anyos, sa buy-bust operation dakong alas-10:15 ng gabi sa Don Basilio St., Brgy. Hulong Duhat.
Ayon kay SDEU investigator PMSgt. Randy Billedo, nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 3.2 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P21,760, P500 buy-bust money, at isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala na nakuha kay Tardeo.

