11 arestado sa online sabong sa Caloocan at Malabon

ARESTADO ang labing-isang indibidwal matapos ang isinagawang anti-illegal gambling operation ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan at Malabon.

Ayon sa ulat, nakatanggap ang mga operatiba ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa nagaganap na illegal gambling activity na kilala bilang “Online Sabong” sa kahabaan ng Tagaytay St., Caloocan City.

Pinuntahan ng mga operatiba ng DSOU sa pangunguna ni PLt. Melito Pabon sa ilalim ng pangangasiwa ni PMaj. Vicky Tamayo ang naturang lugar dakong alas-9:40 ng gabi, kasama ang mga tauhan ng Caloocan police.

Ang isinagawang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto kina Reynaldo Santos, 24 anyos, (gambling organizer/collector), Carlito Garcia, 41 anyos, Mark Joseph Sibug, 34 anyos , Jefferson Rañoco, 26 anyos, at Christopher Sibug, 43 anyos.

Nakumpiska sa mga nadakip ang isang ballpin, cellphone, bet list, TV na may remote at P500,000 na may magkakaibang denominasyon.

Nauna rito, alas-3:40 ng hapon nang maaresto naman sa joint operation ng mga tauhan ng Malabon Police Station Intelligence Section (SIS) team sa pangunguna ni PLt. Zoilo Arquillo at Sub-Station 5 sina Emmanuel Patio, 31 anyos, Cyrill Samarro, 27 anyos, Yaser Varona, 26 anyos, Roger Semillano, 56 anyos, Roberto Lucahin, 53 anyos, at Erehicito Jacutin, 33 anyos, na nagsasagawa ng side betting habang nanonood ng online sabong sa Damata, Letre Brgy. Tonsuya, Malabon.

Narekober ng mga pulis sa mga naaresto ang isang cellphone na ginamit bilang telecast E-Sabong, at P1,200 bet money.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.