POSIBLE umanong mapalawig pa ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) dahil sa patuloy pang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng Covid-19 sa rehiyon.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, palaging nasa tabi ang posibilidad ng pagpapalawig ng ECQ dahil base sa kanilang projections, kahit na umiiral na ang dalawang linggong hard lockdown ay patuloy pa rin tataas ang mga maitatalang kaso.
“Nand’yan lagi ‘yung posibilidad because based on our projections, kahit magkaroon tayo ng dalawang linggong ecq ay patuloy pong tataas ang mga kaso natin. Ang atin po lang objective for this is for us to prepare the system para mas ma-manage natin itong ganitong klaseng sitwasyon,” pahayag ni Vergeire.
Nilinaw naman ni Vergeire na kailangan pa rin na talakayin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang ilan pang panuntunan para mapigilan ang pagkalat ng virus.
“As to the extension of ecq, of course, ito po ay pag-uusapan sa IATF,” saad pa ng opisyal.
Ang Metro Manila ay kasalukuyang nakasailalim sa ecq simula Agosto 6 hanggang 20 upang mapigilan ang pagkalat ng mga kaso ng Covid-19, partikular na ang Delta variant nito.
Gayunman, sinabi ni Vergeire na hindi lamang ang lockdown ang dapat na asahan, kundi kailangan din magsagawa ng iba pang mga pamamaraan upang mapigilan ang pagkalat pa ng virus.
“But based on what’s happening right now at ang patuloy na pagtaas ng kaso, hindi lang po ang lockdown ang dapat asahan natin and government is gearing towards that,” ani pa ni Vergeire.
“Kailangan nating paigtingin ‘yung iba pa nating ginagawa sa response so that economically hindi rin tayo masyadong ma-burden,” dagdag pa ni Vergeire. “So pag-uusapan ho lahat ‘yan sa IATF,” dagdag pa nito.
Kahapon araw ng Lunes, una nang kinumpirma ni Vergeire na balik na sa high-risk ang klasipikasyon ng bansa dahil sa patuloy na pagdami ng naitatalang Covid-19 cases nitong nakalipas na dalawang linggo.

