MISMONG ang menor de edad na kapatid ang kumitil sa buhay ng kanyang 26-anyos na kuya nang pagsasaksakin ito habang umaawat lamang sa away magkakapatid sa General Mariano Alvarez (GMA), Cavite Lunes ng gabi.
Isinugod pa sa Carsigma Hospital ang biktimang si Anthony Battaler subalit hindi na ito umabot ng buhay dahil sa saksak sa leeg.
Hawak naman ng pulisya ang menor de edad na suspek na si alias “Warren” 17, kapwa naninirahan sa Barangay Pulido.
Sa imbestigasyon ni Police Staff Sgt. Bobbie Balazo ng GMA Police Station, dakong alas-7:45 ng gabi ng Lunes nang maganap ang insidente sa bahay ng magkakapatid kung saan nitong una ay nagkaroon muna umano ng hindi pagkakaunawaan ang suspek at kapatid nilang si Melissa Abalos.
Upang hindi na humaba pa ang pagtatalo ng dalawa ay namagitan na si Anthony na siya namang ikinagalit ng suspek dahilan para dumampot ito ng kutsilyo at itinarak sa leeg ng kanyang kuya.
Hawak pa ang kutsilyo ng binatilyo nang dakpin ito ng mga awtoridad.

