PINAPLANO ng Department of Health (DOH) na magkaroon ng “special hub” para sa iba pang may comorbidities na gustong magpabakuna.
Sa Kapihan session ng DOH, sinabi ni National Vaccine Operations Center Chair at DOH Usec. Myrna Cabotaje na naghahanap na sila ng mga posibleng lugar na maaaring pumunta ang mga nasa A3 priority group, lalo na ang mga cancer patients at mga may HIV.
Sa mga HIV patients, maaari aniyang maglagay ng hub sa San Lazaro Hospital.
Nakikipag-usap na rin aniya ang DOH sa mga cancer groups kung saan maaaring magkaroon ng vaccination center/sites.
Sa NCR aniya ay sinimulan na umano ito kung saan ang mga may sakit na TB ay binabakunahan na sa Lung Center of the Philippines.
Halimbawa rin aniya sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), ang mga nagpapa-transplant o ang recipient at donor ay doon na rin binabakunahan.
‘With cancer, we are looking..consulting with the cancer groups saan ba best na pumunta silang magpabakuna although may tinatawag na treatment hubs,” pahayag ni Cabotaje.
“Yung mga hubs na ito ay kung saan sila kukuha ng gamot, mga cancer patients tapos kung saan pupunta ang HIV patients para kumuha ng gamot so we are exploring the possibility na mag special vaccine sites… hindi naman kailangan araw araw in these areas,” dagdag na pahayag ng opisyal ng DOH.

