NASA walong indibidwal ang dinakip ng mga awtoridad matapos ang isinagawang rescue operation sa isang Chinese national na kanilang dinukot sa Quezon City.
Natukoy ang pagkakakilanlan sa mga suspek na sina Jaypee Mangalindan, 22; Ralph Garma, 29; Rustom Laurencio, 22; Glenn Garcia, 26; July Monterde, 20; Joel Mariano, 35; Carlo Villador, 20, at Realan Labto, 33.
Habang ang biktima ay nakilalang si Qin Zhi Xuan, 29, pansamantalang nanunuluyan sa Gold Mine Tower sa Malate, Manila.
Ang nabanggit na mga suspek ay nanguna umano sa pagdukot at paghingi ng ransom kay Xuan bilang kapalit ng pansamantalang paglaya nito kung saan sa isang Salon and Spa ikinulong ang banyaga.
Ayon sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-4:30 ng madaling araw ng Biyernes, July 30, nang maganap ang insidente sa JAS Salon and SPA na matatagpuan sa No. 4 C Samat Road, Garcia Heights, Brgy. Holy Spirit.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga tauhan ng Holy Spirit Police Station na may isang Chinese ang ikinulong sa nabanggit na salon.
Ayon sa confidential informant, hinihingian umano ng mga suspek ang biktima ng malaking halaga kapalit ng l kalayaan nito.
Dahil dito ay agad nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at sinalakay ang nasabing lugar.
Nasamsam sa mga suspek ang isang .45 caliber pistol na may dalawang magazine at naglalaman ng 12 bala, pulang Mitsubishi Mirage (B6 D319), at iba’t ibang mamahaling cellphone.
Inihahanda na ang kasong Serious Illegal Detention, Robbery (Extortion) at RA 10591 laban sa mga suspek.

