ANIM na hinihinalang drug personalities ang arestado matapos makuhanan ng mahigit sa P.7 milyon halaga ng shabu sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City kahapon ng madaling araw.
Sa imbestigasyon ni PCpl. Pamela Joy Catalla, dakong alas-3 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Joel Madregalejo sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Ramchrisen Haveria Jr. sa walang numerong bahay sa Libis Bukid, Brgy. Malinta na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jeany Rose Radaza alyas “Apple,” 37 anyos.
Kasama ring inaresto sina Michael Anthony Balcruz alyas “Praning,” 49 anyos, Erlinda Gutierrez, 53 anyos, Babylyn Novilla, 42 anyos, at Elwood Edoyaga, 40 anyos, matapos maaktuhan ng mga operatiba na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng bahay.
Nakumpiska ng mga operatiba ang nasa 55 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P374,000.00 ang halaga, buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 10 pirasong P500 boodle money, P700 cash, apat na cellphone at ilang drug paraphernalia.
Bandang alas-10:28 naman ng gabi nang unang matimbog ng kabilang team ng SDEU sa pangunguna ni PLt. Madregalejo sa buy-bust operation sa No. 208 Lords Candle St., De Castro Subd., Brgy. Paso De Blas si Remy Jaen, 41 anyos, matapos bentahan ng P8,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Ayon kay SDEU investigator PSSgt. Ana Liza Antonio, narekober sa kanya ang tinatayang nasa 55 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P374,000.00, buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money, P2,200 cash, cellphone at pouch.

