Sasakyan, bumangga sa kongkretong poste, pasahero todas, driver kritikal

Todas ang isang ginang na pasahero ng isang Suzuki carry cab habang nasa malubha namang kalagayan ang driver nito matapos sumalpok ang kanilang sasakyan sa isang kongkretong poste sa Caloocan City.

Si Margie Guardo, 45 anyos, ng No. 3 Dhaka St., Vista Verde, Brgy. 167, ay idineklarang patay ng mga rumespondeng medical personnel ng Caloocan North Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO).

Isinugod naman sa Calooocan City Medical Center upang magamot ang tinamong pinsala sa ulo at katawan ng driver ng carry cab (NGJ-4926) na si Elbert Candar, 26 anyos, ng nasabi ring address.

Sa isinagawang imbestigasyon ni North Caloocan Police Traffic Investigator P/Cpl. Dennis Michael Natividad, dakong alas 12:05 ng madaling araw, habang mabilis na binabagtas ng sasakyan ang kahabaan ng Gen. Luis Road patungong Caybiga, nawalan ng control si Candar sa sasakyan at pagsapit sa kanto ng Master Road sa Brgy. 165 ay bumangga ito sa isang kongkretong poste ng kuryente.

Sa lakas ng pagsalpok ng sasakyan sa poste, nagpaikot-ikot ito ng ilang metro hanggang sa mapunta sa kabilang linya ng kalsada na naging dahilan upang magtamo ng mga pinsala sa ulo at katawan ang pasahero at driver nito.

Ayon sa pulisya, mahaharap ang driver ng carry cab sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damage to property.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.